Sa gitna ng mga demonyo

Ako si Berto, Roberto Pascual. Isang jail guard sa Bayan ng San Isidro, Sa Baryo Mapanghusga.

Bata pa lang  ako ay pinangarap ko na maging pulis. Hindi ko lang akalain na pagiging jail guard ang babagsakan ko.

Hindi naman sa minamaliit ko ang trabaho ko ngayon, pero mas gusto ko kasi yung nandun ako sa aksyon. Sa hanay ng PNP o kaya ng SAF. Gusto kong ipatupad ang batas, at hindi yung ganito, Tagabantay ng mga taong lumabag sa batas at nahuli na. At ang kinaiinis ko ay batuta lang ang hawak ko.

Laki rin akong Baryo Mapanghusga. Tiyuhin ko ang Warden sa Bilibid na ito kaya kinuha nya ako agad pagkatapos kong makapagtapos ng Criminology. Gusto ko sanang tumanggi kaso, Ayoko namang tanggihan ang kamag-anak ko.

Kaya eto. Halos tatlong taon na akong nagbabantay ng mga preso. Walang angal. Walang imik. Trabaho lang. Walang personalan.

Pamilyar na mga mukha ang nakikita ko sa loob ng kulungang ito. Ang iba ay mga kababata na lagi kong kasama magpalipad ng saranggola, Kalaro ko sa tagu taguan, Kasabay kong mangarap ng magandang kinabukasan.

Mabababaw lang ang kaso ng mga napapadpad samin. Kapag kasi mabigat ang kaso ay ipapadala sa Maximum Security sa Muntinlupa. Kaya ang mga kadalasang sala ng mga taong nakakulong dito ay pagnanakaw, pakikipag away, panggugulo o pag ihi sa kalye. Matino at madali lang ang pamamalakad sa kulungang ito. Hanggang sa nahuli si Ernesto Accuso.

Si Ernesto ay suspect sa pagpatay sa bente uno anyos na si Richard Ricafort, Anak ng kilalang mangangalakal ng tabacco sa San Isidro.

Dahil sa mabigat ang kaso ni Ernesto ay agad syang ipapadala sa Muntinlupa. Para duon litisin.

Ang paglipat ay gagawin sa makalawa. Ako ang inutusan ng Warden na mag escort sa kanya, bilang parte na rin ng kailangan ko gawin para tumaas ang ranggo ko sa aming bilibid.

Hindi naman ako umangal. Madali lang naman um-escort ng kriminal at isa pa ay makakahawak na din ako ng tunay na baril.

Dumating ang makalawa. Gumising ako ng alas singko y media para paghandaan ang pag hahatid kay Ernesto. Handa na ang BJMP jump suit na gagamitin, Ang M14 armalite na mas matanda pa ang edad sakin, at ang minivan na gagamitin sa pagbabay patungong muntinlupa.

May dalawa akong kasamang maghatid kay Ernesto. Ang isa ay ang drayber na si Tonyo, at ang isa ay si Timong na Magmamasid sa daraanan namin. Madalas kasi na kapag may escort na mangyayari, ay dito itinatakas ang mga preso. Kaya kailangan ang todo ingat.

Pumasok na si Ernesto sa Minivan. Ako ang kasama nya sa loob. At ang dalawa kong kasamahan ay nasa upuan sa harap.

Nag magsimula nang bumyahe ay di ko naiwasang mabagot. Walong Oras na byahe ito pa norte at wala akong dalang dyaryo o komiks para makapagpalipas ng oras.

Habang ang dalawa kong kasamahan ay nagkukwentuhan sa harap. Naisipan kong kausapin si Ernesto.

Napansin kong hindi sya balisa. Sa totoo pa nga nyan ay mukhang masaya pa sya. At bilang alagad ng batas, nakaramdam ako ng pagkamuhi sa inasal nya.

“Pinagsisisihan mo ba ang ginawa mo?” tanong ko.

Tumingin lang sya sa akin.

Hindi ko na sana sya ulit kakausapin ng sumagot sya ng “Hindi.”

“Ano?” paglilinaw kong tanong.

“Hindi ko pinagsisisihan. Kung may pagkakataon ay uulitin ko ang ginawa ko.” sagot ni Ernesto.

“Malala ka na talaga. Nakapatay ka na nga ng tao, ganyan pa ang inaasal mo? Paano ka nakakatulog sa gabi?”

Hindi sya sumagot pagkamuli.

“Dapat sa mga katulad mo ay sinasalvage, Pumatay ka ng tao, Buhay din dapat ang kapalit.”

Hindi na sumagot si Ernesto at ibinaling ang tingin sa aming dinadaanan.

Maya maya pa ay may narinig kaming putok. Unang putok pa lang ay alam ko na putok iyon ng baril.  bilang alagad ng batas, kailangan ay hindi nila maitakas ang preso.

Sunod sunod ang pagpapapaputok.

Pagewang gewang na ang minivan na aming sinasakyan. Napuruhan na ang dalawang kasamahan ko.

Pati ako ay natamaan din ng bala sa may tagiliran.

Dahan dahang tumigil ang Van.

Dahil sa kaguluhan. Nadisarmahan ako at nakuha ni Ernesto ang kwarentay sinko na nakasukbit sa bewang ko.

Itinutok niya ito sa akin. Nagsimula akong manginig sa takot at medyo napapaluha at ipikit ang mata.

“Dito na ba ako mamamatay?” Sambit ko sa sarili ko.

Dahan dahan akong dumilat.

Nakatutok ang nguso ng baril sa aking noo, napatingin ako kay ernesto.

Nanginginig. Lumuluha.

“Berto makinig ka, Wag kang gagalaw. Humiga ka lang at wag kang gumawa ng ingay.”

Maya maya pa ay nabuksan ang likod ng minivan at nagliparan ang mga bala. Sunod sunod ang pagpapaputok.

Napadapa ang duguang katawan ni Ernesto sa itaas ng aking katawan.

Bago sya bawian ng buhay ay may ibinulong sya sakin.

“Wag kang gagalaw. Mag kunwari kang patay”.

Nawalan na ako ng malay. At nagising na lang sa ospital.

—–

Ako si Ernesto Accuso. Isang guro sa Mababang Paaralan sa San Isidro, Baryo Mapanghusga.

Dito na ako lumaki sa Baryong ito. Halos lahat ng Kababata ko ay nandito na din lumagay sa tahimik. Kaya halos lahat ng estudyante ko ay kilala ko ang mga magulang.

Gusto ko kasing magkaruon ng Magandang kinabukasan ang aking mga batang tinuturuan.

Tulad ng aking mga kababatang ngayon ay mga propesyunal na. Ang iba ay naging inhinyero. Ang iba ay naging nars. Ang iba ay naging doctor. Ang iba ay naging Pulis.

Dati rati ay kasabayan ko lang silang nag sasaranggola. Sumusungkit ng mangga kina aleng Marta, o kaya namay nag hahabulan. Di mo aakalain na ang mga dugyot na dati’y aking mga kababata ay mga propesyunal na.

Dahil dito, Nagsimula akong maniwala sa Pagbabago. Na ang kabataan ang pagasa ng bayan. At nandito ako para hubugin ang mga batang iyon.

Hindi ko man sabihin ay napamahal na ako sa paaralan na ito at higit sa lahat sa mga bata. Kahit na makukulit ang mga ito, ay determinado akong maging katulad sila ng mga kababata ko.

Maayos at matino naman ang pamumuhay namin sa Eskwelahan Hanggang sa isang gabi, nung ako’y pauwi na.

Dahil sa madilim ang kalsada at walang pailaw ay dahan dahan akong naglakad sa dilim at tanging ang ilaw lang ng buwan ang nagbibigay gabay sa aking mga mata.

Sa malayo, May namataan akong parang mag nobyang nag aaway. Hindi ko ito pinansin nung una dahil wala naman sa ugali ko ang maki usyoso. Ibinaling ko na lang ang aking atensyon sa paglalakad.

Maya maya pa ay may narinig akong putok. Agad ko itong ikinagulat. At napalingon sa nag aaway na mag nobyo.

Nakaluhod ang babae na parang nagmamakaawa. Agad akong nagtago sa may poste para hindi mapagbalingan. Nanginginig sa takot at di alam ang gagawin.

Maya maya pa ay nakarinig pa ako ng isa pang putok.

Humandusay ang anino ng babae.

Hindi na ako nakagalaw sa sobrang pagkabigla.

——–

Pagkagising ko sa ospital ay nakaabang ang aking pamilya. Pati na din ang Warden na tiyuhin ko at may dala pang mga prutas.

Natutuwa sila dahil pagkatapos ng dalawang araw na tulog ko ay nagising na din ako.

Ang sabi ng tiyuhin ko ay gagawaran daw ako ng Parangal sa katapangan.

Ikinatuwa ko ito. Pero pagkasandali pa’y parang nawala ang lahat ng naramdaman ko ng maalala ko ang huling sinabi sakin ni Ernesto.

Iniligtas nya ang buhay ko. Yan ang unang pumasok sa isipan ko.

Dalidali akong nanghingi ng peryodiko. At dun ay nakita ko ang balita ukol sa pag ambush sa BJMP sa aming lugar.

Patay na si Ernesto. Pero bakit nya ako iniligtas?

Naglalarong tanong sa aking isipan.

—–

Pagkatapos ng ikalawang putok ay agad na sinundo ng isang SUV ang binatang may hawak ng baril.

Pinilit kong makagalaw sa takot para tulungan ang babaeng nakahandusay.

Walang pang itaas at pang ibabang damit ang babae. Sirang Bra at panty na hindi tama ang pagkakasuot ang nakasaplot sa duguang katawan.

Pagkalapit ko sa katawan ng hinang hina nang babae ay naaninag ko ang kanyang mukha sa liwanag ng buwan.

Namutla ang aking mukha at nanginig ang aking katawan sa pagkagulat. Ang babae ay si Elena. Isa sya sa mga estudyante ko na magtatapos na sa kolehiyo.

Ang balita ko ay aalis na sya papuntang ibang bansa para mag trabaho at makatulong sa magulang.

Pero bakit? Bakit? Bakit nangyari sa iyo to.

“Tulong.. Tulong.. Tul..” Ang huling sinambit ng dalaga.

Dali dali akong tumawag ng tulong sa Pulisya at ng Ambulansya.

Pero wala nang buhay si Elena pag dating sa Ospital.

Kinabukasan ay di ako pumasok ng paaralan.

Di ko pa kaya. Di ko kayang harapin ang mga batang tinuturuan ko. Bitbit ang galit at pagkamuhi ko sa sarili ko.

“Bakit di ko natulungan si Elena?”

“Bakit wala akong magawa?”

Binasa ko ang peryodiko ng Araw na iyon. Nandun ang balita tunkol kay Elena.

Siya ay ginahasa ng di lalagpas sa limang kalalakihan at pinatay.

Lalong naginit ang aking katawan. Nanginginig sa galit.

“Bakit di ko sya natulungan?”

Halo halong emosyon ang lumasing sa aking pagkatao nuong araw na iyon.

Duon ko napagisip isip na kahit anong galing ko sa pagtuturo. At kahit gaano ako magsikap para sa aking mga estudyante. Ay walang mangyayari kung laging may sisira ng buhay ng mga ito.

Kailangan ng kongkretong aksyon.

Sa mga pulis?

Hindi. Pulpol ang mga pulis.

Wala silang silbe.

Kailangan kong gumawa ng paraan para patayin ang mga gagong lumapastangan at pumatay kay Elene.

Natuntun ko kung saan ang SUV na ginamit ng lalakeng bumaril kay Elena. Kakaunti lang ang may ganung sasakyan. Sa bahay ng isang Mangangalakal ng tobacco.

Inabangan ko maigi ang pag alis ng kanilang sasakyan.

Nanduon ay sama sama ang mga hinayupak na nagtatawanan at nagpapatugtog ng malakas kahit dis oras na ng gabi.

Inabangan ko sila sa may liblib na lugar. Malapit sa aking Paaralang pinag tuturuan.

Hinarang ko ang Sasakyan. Dahilan para bumusina ito ng paulit ulit.

Di ako natinag.

Bumaba ang mga binatang lulan ng sasakyan. At pinagmumumura ako.

Lumapit ang isang binata.

“Di mo ba ako kilala? Bakit paharang harang ka?”

Ipinutok ko ang rebolber sa mukha nya.

Nanginig sa takot ang iba at akmang tatakbo na. Pero wala silang takas sa limang balang natitira sa aking rebolber.

“Ikalawa… Ikatlo… Ikaapat.. Ikalima”

Napuruhan ko lahat silang lima. Silang lima na lumapastangan kay Elena.

May isa pang bala sa aking rebolber.

Itinutok ko ito sa aking ulo.

“Heto na. Heto na ang wakas.” sabi ko sa sarili ko.

Pero dumating ang mga pulis na nakarinig ng putok at agad akong inaresto.

“Naging duwag nanaman ako.”

“Di ako nakalabit ng demonyo”.

—–

Hindi talaga mawala sa isip ko kung bakit ako iniligtas ni Ernesto.

Tinitigan ko ang kanyang larawan sa peryodiko. At dun ko napansin na si Ernesto ay isa sa mga kababata ko.

Sya ay si Erning.

Si Erning na kasabay kong mag saranggola. Si Erning na kasabay kong manungkit ng mangga.

Ang naaalala ko pag naaalala ko sya ay isang masiyahin at makulit na kalaro.

Di ko akalaing ganito ang kahihinatnan nya. Isang mamamatay tao.

Pero bakit iniligtas nya ako?

—–

 

IKAW

Ikaw na mambabasa. Siguro naman ay makikita mo na, na ang lahat ng tao ay pinanganak na mabuti at malaya.

Ikaw na mambabasa. Siguro naman ay makikita mo na, na walang taong isang araw, ay gumising at sinabing “Gusto kong magnakaw”, “Gusto kong Pumatay.”

Ikaw na mambabasa. Siguro naman ay makikita mo na, na lahat tayo ay biktima lang ng pagkakataon.

Ikaw na mambabasa. Siguro naman ay makikita mo na, na lahat tayo ay may sariling demonyo na kailangang kalabanin na minsa’y tayo’y natatalo.

Ikaw na mambabasa. Ikaw ang Humusga.

Lahok sa Saranggola Blog Awards

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s